KARERA NG KALAPATI NA SINAMAHAN NG TAO, LIBANGAN SA BAYAN NG GAPAN, NUEVA ECIJA

Kakaibang karera ng mga kalapati ang nagsilbi nang libangan ng mga magkakalapati sa bayan ng Gapan, Nueva Ecija dahil sa halip na ang kanilang mga alaga lang ang dapat na mag-unahan ay kasama na pati ang mga may-ari sa kanila.

Ang kakaibang karera na tinawag na “Street Fight Racing Dove” ay binubuo ng dalawang magkalabang grupo na may tig-pitong miyembro at isang kalapati na magsisilbing kakampi nila sa race.

Ilan sa mga miyembro ng magkabilang grupo ay may kanya-kanyang kalamangan dahil ilan sa mga ito ay mga atleta din.

Nagsilbi nilang race track ang mga eskinita at kalsada sa Brgy. Pambuan, ng naturang bayan na may layong tig-750 meters ang distansya kung saan bawat runner ay may hawak na kahoy na kailangang ipasa sa kasunod niyang runner hanggang sa ikapitong kakampi nila sa grupo para itakbo hanggang sa finish line.

Sa una ay kailangan munang mag-unahan ng dalawang kalapati na makauwi sa bird house bago makatakbo ang unang runner, kaya nakasalalay sa kakampi nilang kalapati kung paano makalalamang sa karera ang bawat grupo.

Hindi lang basta ito libangan dahil ang premyo ay aabot sa Php13,200.

Ayon sa isang abogado, sa ilalim ng Animal Welfare Act kinakailangang tingnan ang maaaring epekto nito sa hayop, kung ito ba ay nagdulot ng pinsala sa kanila.

Ipinagbabawal din aniya sa PD 1602 ang pagtataya ng pera sa naturang karera na maituturing na illegal gambling, ngunit maaari naman aniyang humingi ng special permit sa Local Government Unit.

Sinabi naman ng grupo na hindi naaabuso at hindi nasasaktan ang mga kalapati sa kanilang ginagawang karera.