KARERA NG MGA KOLONG-KOLONG SA BAYAN NG LLANERA, KINAALIWAN NG MGA NETIZEN
Kalimitang ginagamit ang kolong-kolong na isang improvised na sasakyan sa mga probinsya tulad ng Nueva Ecija bilang panghakot ng mga kargamento o pagbyahe ng mga kagamitan sa sakahan kagaya ng abono at binhi, at ginagamit din bilang alternatibong delivery vehicle para sa maliliit na tindahan o negosyo.
Sa Bayan ng Llanera, Nueva Ecija ay kinaaliwan ng mga mamamayan at netizen ang mga kolong-kolong nang bumida ang mga ito sa 1st Anthony M. Bergantiños Motocross Cup 2024 nitong Disyembre.
Intense at may kakaibang excitement kasi ang dala nito sa mga manunuod dahil maliban sa driver ay may isa pang nakasakay dito na siyang kumokontrol at bumabalanse sa kolong-kolong sa bawat takbo at talon nito sa matatarik at maputik na daan.
Ang mga angkas ng kolong-kolong ay hindi lang basta nakasakay dito, hindi rin nakaupo, kundi nakahandang lumiyad, um-slide patagilid tapos ay balik sa pwesto na tila nagmamaneho din, yun nga lang hindi hawak ang manibela kundi ang sidecar.
Umabot na sa mahigit 170K views ang post ni Joel Labrador Mascariñas at pumapalo na rin ng libo-libong views ang post ni Kambal Tjay Nacawili Tejano sa kanilang social media account kung saan mapapanuod ang naturang patimpalak.
Ayon sa ilang komento may nagsabing “sarap manood nito”, “Nice idol tuwang tuwa kami jan hinahabol mo yung nakatkbo para makunan lang”, at may nagsabi ding “Ang galing naman ng mga rider da best nakakaaliw panuorin ang saya”.
Sa mga ganitong uri ng karera kadalasang ini-customize ang mga kolong-kolong para maging mas matibay, mas magaan at mas mabilis na angkop sa matidning kondisyon ng track.

