Muli na namang umangat ang presyo ng karneng baboy at manok sa Pamilihang Pampubliko, sa Barangay San Isidro, Sangitan Cabanatuan City.

Ayon kay Melissa Vendicacion, tindera ng baboy at manok, nadagdagan ng sampong piso ang halaga ng karne kaya pumalo ito sa Php360.00 ang kada kilo ng laman; Php320.00 sa pata ng baboy; Php380.00 sa liempo; Php320.00 sa ribs; habang, Php360.00 naman ang kada kilo ng pork chop.

Medyo nagkakahirapan aniya ngayon sa pagkuha ng mga ititindang karne ng baboy lalo na sa inahin o yung malalaking baboy, dahil bukod sa walang makuha sa mga supplier ay may kamahalan pa.

Inaasahang tataas pa raw ito ng karagdagang Php5.00 kada kilo sa susunod na dalawang araw.

Samantala, nagtaas rin ng Php5.00 kada kilo sa presyo ng karneng manok. Ang dating presyo na Php160.00 ngayon ay Php165.00 na.

Mahihilo ka naman aniya sa naglalarong presyo ng karneng manok dahil halos tuwing ikalawa o tatlong araw ay nagbabago ang presyo nito.

Asahan na rin aniya, na mas tataas pa ang presyo sa mga susunod na araw, hindi lamang sa karneng baboy at manok, bagkus pati na rin iba pang bilihin, itong darating na mahal na araw.