KARNE, TUMAAS ANG PRESYO SA PALAYAN CITY DAHIL SA SHORTAGE SA BABOY; PULANG SIBUYAS, UBOS NA ANG STOCK SA COLD STORAGE

Pinag-aaralan na umano ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpapataw ng maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy dahil sa pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.

Paliwanag ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na maliit lang dapat ang dagdag sa markup mula sa farmgate price hanggang retail price, na hindi lalampas ng P100.00.

Kailangan umano ng DA ng dalawang linggo upang alamin ang mga sanhi ng pagtaas ng presyo ng baboy sa kabila ng matatag na suplay nito. Kasama rin sa kanilang pagsusuri ang posibleng profiteering sa merkado, at ang mga mapapatunayang sangkot dito ay maaaring kasuhan sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Sa palengke ng Palayan City, tumaas ang halaga ng karneng baboy. Ang presyo ngayon ng liempo doon ay P380 per kilo kumpara sa 360 kada kilo bago mag bagong taon. Habang ang laman naman ay sumipa sa P370 bawat kilo mula sa P340 kada kilo.

Ayon sa mga tindera, may shortage ng baboy sa mga kinukuhanan nilang katayan.

Samantala, pinawi ng DA ang pangamba ng publiko na tataas ang presyo ng lokal na sibuyas dahil mayroon umanong matatag na supply nito dahil inaasahang aabot hanggang Pebrero ang stock na nasa cold storage at kahit maubos ito ay nagsimula na rin ang panahon ng anihan.

Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), as of January 17, nasa 8,494.99 metric tons ang nakaimbak na pulang lokal na sibuyas sa mga cold storage.
Ngunit, tumaas ng hanggang sampong piso ang halaga ng sibuyas sa palengke ng Palayan.
Ang presyo ng good na ay P130 per kilo mula sa P115-120 kada kilo noong nakaraang linggo na sanhi umano paliwanag ng mga tindera ng pagkaubos ng mga sibuyas sa cold storage.

Pero ang sibuyas Tagalog ay bumaba naman, mula sa 20 pesos per tali ngayon ay 15 pesos na lamang ang halaga nito.

Samantala, sa mga nagtitinda ng sibuyas sa hiway ng Palayan, ang presyo ng sibuyas na puti ay P70.00 per kilo, habang ang pickles ay P80.00 kada kilo na rekta umano nilang nabibili sa mga magsasaka ng sibuyas na may farm gate price na P62.00 bawat kilo ang sibuyas na puti at P70.00 kada kilo naman ang pickles.