KASO NG DRUG ABUSE SA BANSA, BUMABA – DOJ

Ibinida ni Justice Secretary Jesus Remulla ang patuloy na pagbuti ng illegal drug situation sa Pilipinas, lalo’t patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga indibidwal na gumagamit nito sa bansa.

Ipinagmalaki ng Palasyo ang naitalang pagbaba ng drug abuse sa bansa batay sa datos ng Department of Justice.

Sa Palace Press Briefing, sinabi ni PCO Undersecretary Claire Castro na bumaba sa 1.47 million ang datos ng paggamit ng droga sa bansa noong 2023 mula sa dating 1.67 million noong 2019 ayon sa 2023 National Survey on Drug Abuse.

Sa kaganapang ito, ibinida rin ng DOJ sa pagdalo nito sa 68th session of the United Nations Commission on Narcotic Drugs sa Austria ang pagtutok o pagbibigay ng atensiyon ng Marcos Administration sa prevention measures kontra illegal na droga.

Ayon sa DOJ, nagsasagawa ang pamahalaan ng executive review ng mga polisiya ukol sa droga ng bansa habang patuloy na nagpapatupad ng isang komprehensibong Whole of Nation na pamamaraan.

Muli namang binigyan diin ni Castro na patuloy ang hakbang ng pamahalaan at mga kinauukulang sangay nito para maipagpatuloy ang nasabing trend sa pagbaba ng drug abuse sa bansa.