KASONG CYBERLIBEL NG CELCOR SA DATING BISE GOBERNADOR, PINALILIPAT SA IBANG PISKAL

Naantala ang ikatlong pagdinig sa kasong cyber libel laban kay dating Vice Governor Emmanuel Antonio “Doc Anthony” Umali at grave oral defamation laban kay Anastacio “Apet” Cruz matapos hindi dumalo ang Cabanatuan City Electric Corporation (CELCOR) sa nakatakdang hearing sa Office of the City Prosecutor (OCP) Cabanatuan noong September 30.

Ayon kay Atty. Marco Polo Cunanan, abogado nina Umali at Cruz, naghain na sila ng rejoinder affidavit bilang tugon sa reply affidavit ng CELCOR.

Giit ni Cunanan, pinasinungalingan nila ang mga alegasyon ng CELCOR at idiniing karamihan sa mga batas at kasong binanggit ay ‘outdated’ na.

Noong nakaraang linggo, naisumite na rin sa Department of Justice (DOJ) sa Manila ang motion for inhibition nina Umali at Cruz upang umatras ang OCP Cabanatuan sa paghawak ng kaso.

Kung aaprubahan, maililipat ito sa ibang prosecutor’s office, at kung hindi naman, mananatili ang kaso sa OCP Cabanatuan.

Sa kasalukuyan, nananatiling naka-antabay ang kampo nina Umali at Cruz sa magiging kautusan ng DOJ kung saan ididirekta ang susunod na pagdinig sa naturang kaso.