KAUNA-UNAHANG BONSAI COMPETITION SA NUEVA ECIJA, NILAHUKAN NG HIGIT 100 ‘BONSAIHISTA’
Matagumpay na idinaos sa SM Cabanatuan City ang kauna-unahang “Bonsai Competition” na bahagi pa rin ng selebrasyon ng ika-128 Unang Sigaw ng Nueva Ecija.
Naging tampok sa kaganapan ang mahigit 100 kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, na nagpakitang gilas sa kanilang mga alagang bonsai.
Ayon sa Vice President ng Bonsai and Suiseki Alliance of the Philippines, Inc. (BSAPI) at Congressman na si Michael Morden, ang laki, kalusugan, estilo at edad ng mga kasaling bonsai ay ilan lamang sa pamantayan ng paghuhusga sa nasabing kompetisyon.
Paliwanag naman ni Kapitan Ramon Garcia ng Barangay Barlis, Cabanatuan City, ang pag–aalaga ng bonsai ay hindi lamang upang isali sa mga kompetisyon, kundi maaari ring maging libangan at pagkakitaan.
Lubos namang nagpasalamat ang mga kalahok sa Kapitolyo na pinangungunahan ni Governor Aurelio Umali dahil nabigyan sila ng pagkakataon na maging bahagi ng pagdiriwang at maipakita ang kanilang talento sa bonsai cultivation.

