KOOPERATIBA NG MAGSASAKA SA NUEVA ECIJA, PINALALAKAS NG SIMBAHAN AT PCEDO LABAN SA KAHIRAPAN
Pinalalakas ng simbahan at ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office o PCEDO ang isang kooperatiba ng mga magsasaka sa bayan ng Aliaga, Nueva Ecija bilang hakbang upang labanan ang kahirapan at mapaunlad ang kabuhayan ng kanilang mga miyembro.
Ang Lakaran ang Nasumpungang Daan at Sundan o Landas Agriculture Cooperative ay itinatag sa inisyatiba ni Fr. Elmer Serrano Villamayor, dating kura paroko ng St. John the Baptist Parish sa Bibiclat.
Ayon kay Fr. Villamayor, layunin ng kooperatiba na hindi lamang makatulong sa kabuhayan kundi mailapit din ang mga kasapi nito sa Diyos sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Sa tulong ng PCEDO, isinagawa kamakailan ang Cooperative Management Seminar para sa mga opisyal ng kooperatiba. Ayon sa ahensya, ang pagsasanay ay bahagi ng mga mandatory trainings na taun-taong kailangang i-comply ng bawat kooperatiba, alinsunod sa mga patakaran ng Cooperative Development Authority o CDA.
Sa pagsasanay, tinalakay ang mga pangunahing prinsipyo ng good governance, financial reporting, at ang papel ng bawat opisyal sa tamang pagpapatakbo ng kooperatiba. Layunin nitong matugunan ang mga karaniwang problema tulad ng kakulangan sa pondo, hindi maayos na pamamahala, at kulang na dokumentasyon.
Nagpasalamat naman si Fr. Villamayor sa patuloy na suporta ng PCEDO at sa tiwala ng mga miyembro ng kanilang kooperatiba.

