Sa ulat ni Interior and Local Government Secretary at National Peace and Order Council Chairperson Benjamin Abalos sa Council Meeting sa MalacaƱang, inihayag nito na bumuti ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa dahil bumaba ang index crime volume.
Mula 196,519 noong pre-pandemic period noong July 1, 2016 hanggang April 21, 2018 ay bumagsak ito sa 71,544 noong July 1, 2022 hanggang April 21, 2024.
Bumaba rin ang indicator ng kapayapaan at kaayusan para sa parehong mga panahon mula sa 541,917 sa 371,801.
Ang average na buwanang rate ng krimen ay dumausdos mula 21.92 hanggang 15.04. Habang ang focus crimes tulad ng theft, physical injury, robbery, rape, murder, carnapping at homicide ay bumulusok mula 196,420 hanggang sa 71,133 o 63.79 percent ang ibinaba.
Bumagsak din ang non-index crime volume mula 345,398 sa 300,257.
Dagdag ni Abalos, nakapag-record ang PNP ng 98.88 percent ng total crime clearance efficiency noong January 1, 2023 hanggang March 31, 2024, na mas mataas ng 0.32 porsiyento kaysa sa crime clearance efficiency report noong October 2021 hanggang December 2022.
82.69 percent naman ang total crime solution efficiency sa parehong mga panahon, na mas mataas ng 0.62 porsiyento.
Sa dami ng index crime, nakapagtala ang PNP ng 48,587 na kaso mula January 2023 hanggang March 2024, na mas mababa ng 4,240 o 8.02 percent sa naitala na 52,827 na kaso mula October 2021 hanggang December 2022.
Samantala, sa non-index crime, naitala ang 202,377 sa parehong mga panahon na mas mababa ng 11,546 o 5.37 porsiyento kumpara sa 214,923.

