Naghihintay na kay Pastor Apollo Quiboloy founder ng Kingdom of Jesus Christ church, ang detention facility ng Kamara para pagkulungan umano sakaling hindi ito sumipot sa pagdinig ng komite sa isyu ng paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Ayon Rep. Margarita “Migs” Nograles ng Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist at 1-Rider Party­list Rep. Rodge Gutierrez na ang pag-iisyu ng subpoena ng Kamara laban kay Quiboloy ay palatandaan na handa silang arestuhin ito kapag patuloy na hindi sumipot sa pagdinig.

Samantalang kapag hindi ito nakipag cooperate sa pagdinig ay papatawan ng contempt at idederetso sa detention facility ng Kamara.

Si Quiboloy ay founder ng television network na SMNI na ang operasyon ay sinuspinde ng National Telecommunications Company (NTC).

Inisyuhan ng subpoena si Quiboloy para dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa darating na Marso 12.

Ang House Committee on Legislative Franchises ang nangunguna sa imbestigasyon sa prangkisa ng SMNI.

Binigyang diin ni Nograles na mas makaka­buting dumalo sa pagdinig si Quiboloy at magpaliwanag sa mga mambabatas.

Nauna nang na-detain sa Kamara ang mga SMNI hosts na sina Eric Celiz at Lorraine Badoy.

Pinirmahan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena laban kay Quiboloy, para obligahin siyang sumipot sa pagdinig na isinasagawa ng kapulungan na may kinalaman sa kaniya.

Ito ang inanunsyo nitong Lunes ni Senadora Risa Hontiveros, pinuno ng komite na nagsisiyasat tungkol sa alegasyon ng large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence, at child abuse na kinasasangkutan umano ni Quiboloy at ng kaniyang religious group.

Sa panig naman ni Quiboloy, nauna na niyang sinabi na mas nanaisin niyang humarap sa paglilitis ng korte kaysa dumalo sa pagdinig ng Senado.