KWENTO NG PAG-IBIG, PAMILYA, PANANAMPALATAYA, BIDA SA OBRA NG NOVO ECIJANANG PINTOR

Tampok sa mga obra maestra ng isang artist mula sa Gabaldon, Nueva Ecija ang kwento ng pag-ibig, pamilya at pananampalataya.

Inspirasyon daw ni Mary Rose Dupra-Deleon sa pagpipinta ang mga aral na itinuro ng kanyang pamilya na nais nitong ibahagi sa pamamagitan ng kanyang mga sining.

Aniya, lumaki siya sa isang simple ngunit masayang pamilya at mapagmahal na mga magulang na palaging nagtuturo sa kanya na maging mapagkumbaba at marespeto sa mga tao.

Dahil dito ay karamihan sa kanyang mga paintings ay may tema ng pag-ibig at pamilya dahil naniniwala din siyang anuman ang mangyari sa buhay ay ang pamilya pa rin ang mananatiling nariyan upang sumuporta.

Sa kasalukuyan, mas binibigyang-pansin ni Deleon ang paggawa ng mga painting na may temang biblical upang maikalat ang mensahe ng milagro at pag-ibig ng Diyos sa Sangkatauhan.

Gamit ang kanyang talento na daluyan ng pananampalataya at pagmamahal sa pamilya ay nais niyang magbigay-inspirasyon at pag-asa sa iba.

Marami sa kanyang mga Biblical concept Cubism Paintings na ipinost nito sa social media ay naibenta na niya kaya naman nagpapasalamat ito sa mga sumusuporta sa kanyang talento.