LABINGDALAWANG OIL COMPANY, PUMAYAG UTAY-UTAYIN ANG IPINATAW NA TAAS PRESYO SA PRODUKTONG PETROLYO
Simula nitong Martes, June 24, 2025 ay ipinatutupad na ang dagdag presyo na P2.60 sa kada litro ng Diesel, P1.75 sa Gasoline at P2.40 sa Kerosene. Habang, sa araw ng Huwebes, June 26, 2025 isusunod ang karagdagang taas sa singil sa mga produktong petrolyo.
Dito sa Cabanatuan City, sa Shell gasoline station, ipinatutupad ang mataas na dagdag presyo sa kada litro ng FuelSave Diesel sa halagang P58.50; P63.70 sa V-Power Diesel; P59.45 sa FuelSave Gasoline; P63.25 sa V-Power Gasoline; at P69.80 sa V-Power Racing.
Sa Petron gasoline station, mas mababa dahil pumapatak lang sa P54.10 ang kada litro ng Diesel; P56.10 sa TURBO Diesel; P54.90 sa XTRA Advance; at P55.90 naman sa XCS.
Pero sa Caltex gasoline station, ang presyo sa kada litro ng Diesel ay nasa P62.89; P66.44 sa Silver; at P69.44 sa Platinum.
Ang tricycle driver na katulad ni Rodel Aguilar ay tinatanggap na lamang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ngunit hindi naman na raw sila makapagtaas ng pamasahe dahil magagalit na ang mga mananakay, lalo pa dito sa Cabanatuan ay wala pa ring itinatakdang tamang presyo ng pamasahe.
Sa gitna ng pangamba sa suplay bunsod ng hidwaan ng Israel at Iran, tiniyak ng Department of Energy na sapat ang suplay ng langis sa bansa.
Inilahad n Atty. Rino Abad, Director, DOE-Oil Industry Management Bureau, sa panayam ng GMA-Unang Balita na pag-uusapan aniya ng DOE, Department of Transportation (DOTr), at Department of Agriculture ang status ng implementasyon ng subsidy program ng gobyerno.
Mayroon kasi aniya sa general appropriation act of 2025, na nakalaan na budget na P2.5 billion na pondo para sa mga public transport at ang mga beneficiary dito ay mga public utility vehicle. Pag-uusapan dito aniya kung naumpisan na ang pamamahagi ng subsidiya at kung anong level na.

