LABIS NA SUPLAY NG KAMATIS, TUTUGUNAN NG DA
Tutulungan ng Department of Agriculture o DA ang mga magsasaka ng Pangasinan at Nueva Ecija na mayroong labis na suplay ng kamatis.
Kaugnay ito ng ulat na itinatapon na lang ang mga sobrang suplay ng kamatis dahil binabarat na umano ang mga magsasaka sa farmgate price na P4 kada kilo.
Sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa, na dapat ay makipag-ugnayan ang mga magsasaka sa mga local na agricultural at regional office para tulungan silang madala sa palengke ang mga kamatis.
Maaari umanong hanapan ang mga magsasaka ng pagbabagsakang palengke ng sobrang kamatis o di kaya ay maibenta ito sa mga Kadiwa.
Patuloy na gumagawa ng paraan ang DA para maitayo na ang cold storage at ng hindi masayang ang mga agricultural products.
Ayon sa DA, may nakalaang pondo na umaabot sa P1.5 bilyon para sa pagpapalawak ng mga cold storage facility na makatutulong sa mga magsasaka.

