Napuno ng mga espekulasyon ang video na in-upload sa Tiktok ni Mikky Amarile na taga-Taguig kung saan makikita ang isang itim na ‘tila usok na pabilog sa kalangitan.

May ibang nagsasabi na isa daw itong portal o lagusan ng mga kakaibang nilalang tulad ng mga alien, habang ang iba naman ay naghinalang edited lamang ang video at may nagsabi namang baka katapusan na daw ng mundo.

Ibinahagi ng uploader na si Mikky sa programang “AHA” na nakuhanan niya ang kulay itim na bilog dakong alas singko ng hapon nang mapansing may isang ale na nakatingala sa langit.

Nang tingnan niya ito ay nakita niya ang kakaibang itim na hugis bilog sa langit na sa una ay maliit lang hanggang sa lumaki ito habang pataas ng pataas at panipis ng panipis hanggang sa naglaho makalipas ang ilang minuto.

Umabot ng 15.6 million views, 618k reactions at 11.2k shares ang post ni Mikky sa tiktok.

Isa rin sa nakakuha ng video si Khan Itona na bago makuhanan ang nagmistulang smoke ring ay nakarinig muna daw ng malakas na pagsabog.

May mga nagkomento din sa kanyang post na nagsabing baka labasan daw ito ng mga halimaw.

Binigyang linaw naman ng resident meteorologist ng MDRRMO na si Christian John Evangelista na hindi nagmula sa kalangitan ang itim na usok.

Posible aniya itong nagmula sa nagsisiga o nagsusunog ng anumang bagay sa baba at nagkaroon ng biglaan o malakas na pagsiga kaya nakabuo ng bilog na usok.

Sinabi din niyang normal lamang itong usok na kapag umangat sa kalangitan ay unti-unti ding mawawala.

Dagdag pa niya, gawa ito ng tao at maaaring nanggaling sa isang pagsabog at nabigyan lamang ng ibang interpretasyon at hindi dapat pangambahan ng publiko.