Magandang araw mga kaNovo Ecijano! Ako si Kyryle Arcangel magbibigay sa inyo ng dagdag destination sa inyong vacation.
Aking pinasyalan ang isa sa mga popular at pinag-uusapan na pasyalan na matatagpuan sa bayan ng Pantabangan na tiyak na mahahalina dahil sa sariwang hangin, malawak na bakuran at luntiang kapaligiran. Ito ang Lake Farm De La Marre Agri-Tourism Park.
Ang Lake Farm De La Marre Agri-Tourism Park ay matatagpuan sa Kilometer 5, Brgy. Villarica, Pantabangan, Nueva Ecija na may lawak na 25,501 square meters na lupain.
Ano nga bang mayroon ang Lake Farm De La Marre Agri-Tourism Park kung bakit isa ito sa ipinagmamalaki ng bayan ng Pantabangan na pasyalan?
Ang Lake Farm De La Marre Agri-Tourism Park ay mayroong entrance fee na 100 pesos bawat isa para sa day tour. Ang Lake Farm De La Marre rin ay bukas para sa overnight stay pamilya man o barkada. Kung hanap naman ng panlasa ninyo ang mga pinoy style cuisine nariyan ang La Cocina de Maricar upang hainan kayo ng masasarap na pagkain.
Sikat ang Lake Farm De La Marre sa ipinagmamalaki nitong 5,000 yellow roses kung saan magandang kuhanan ng litrato kasama ang buong pamilya. Lubos na mamamangha rito sa tuwing pinaiilaw ang 5,000 yellow roses tuwing sasapit ang alas-sais ng gabi. Dagdag pa rito ang mga cottages at iba pang IG spots na maaaring puntahan habang nilalanghap ang sariwang hangin at pinagmamasdan ang magandang tanawin ng Pantabangan Dam.
Isang patok na pasyalan ang inyong nalaman, nasaksihan at natuklasan dito lamang ‘yan sa Pantabangan. Kaya ano pang hinihintay mo lakbayin na ang lugar kung saan magiging iyong pahingahan nang panandalian.

