LALAKI, NAWALAN NG MEMORYA ISANG ARAW PAGKATAPOS NG KANYANG KASAL

Naniniwala ba kayo sa kasabihang “ang hindi maalala ng isip, ay maaaring maalala ng puso”? ‘Tila ganito ang nangyari sa bagong kasal na sina Jan at Loaren “Beng” Campaner, na mula sa Pitogo, Zamboanga del Sur.

Itinampok kamakailan ang dalawa sa “Kapuso Mo, Jessica Soho”, kung saan emosyunal na ibinahagi ni Loaren na ang sana ay pinakaespesyal at pinakamasayang ala-ala ng kanilang pag-iisang dibdib ng Mister na si Jan ang isa sa hindi na niya maalala, isang araw matapos silang ikasal.

Sa halos isang dekada nang relasyon ng dalawa ay matagal daw nilang pinangarap ang makasal sa simbahan, kaya ito sana ang hindi nila malilimutang pangyayari sa kanilang buhay.

Isang araw, matapos ang kanilang pag-iisang dibdib ay nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ni Loaren at biyenang babae na ina ni Jan, na hindi daw boto sa kanya dahil nagkaroon siya ng dating karelasyon.

Ang matinding pagtatalo ng mga kaanak at ng ina ni Jan ay hindi nito nakayanan kaya iniuntog umano nito ang kanyang ulo sa sahig na naging dahilan ng kanyang paninigas at pagtirik ng kanyang mata.

Itinakbo sa ospital si Jan ngunit nang magising ay hindi na niya maalala ang kanyang asawa, mga anak at ang katatapos nilang kasal.

Ayon sa isang neurologist, nagkaroon ng traumatic brain injury na nagdulot ng retrograde amnesia si Jan kaya hindi nito maalala ang mga tao at pangyayari sa kanyang nakaraan.

Isa din sa nakakaapekto para maibalik ang ala-ala ni Jan ay ang nakitang depresyon sa kanya.

Nang muling bumalik ang dalawa sa simbahan kung saan sila ikinasal suot ang kanilang mga damit pangkasal ay napaluha si Jan nang maramdamang nangyari na nga ang tagpong iyon sa kanyang buhay.

Hindi man malinaw sa isip ay naramdaman daw ng puso ni Jan ang saya at pagmamahal na makasal at pagnanais na makasama habangbuhay si Loaren.