LALAKING VIRAL NA NAMBASA NG RIDER, HUMINGI NG TAWAD MATAPOS MAKATANGGAP NG MGA PARCEL NA WALANG BAYAD

Matapos magviral at batuhin ng mga pambabatikos mula sa mga netizen si Lexter Castro na binansagang “boy dila” dahil sa insidente ng pambabasa nito sa isang rider sa katatapos na Wattah Wattah Festival sa San Juan City na ginanap noong June 24, 2024, ay nagpost ito ng video na humihingi ng paumanhin sa naturang rider.

Bago ang public apology ni Lexter ay dumagsa din sa address nito ang iba’t ibang parcels kagaya ng mga damit, gamit sa bahay at mga pagkain na inorder online ng mga galit na netizens ng walang bayad, kung saan sinabi niyang hindi siya ang naperwisyo dito kundi ang mga naghahanap-buhay na riders at mga sellers.

Marami din sa mga riders ang nanawagan na sana’y maagapan ang ganitong pang-aabuso dahil sila ang pinakaapektado.

Sa video na inupload nito sa kanyang Facebook ay sinabi niyang nagdulot na ng stress sa kanya ang pagbabanta ng mga netizens sa kanya, kaya gusto nitong makitang muli ang rider na binasa nito para humingi ng tawad sa personal.

Panawagan niya sa rider na kung mapapanuod man nito ang kanyang public apology ay makipagkita ito sa kanya upang makausap ito sa paniniwalang doon na matatapos ang pambabatikos at pagbabanta sa kanya.

Una na ring napaulat na pinahahanap ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang binansagang “boy dila” na hindi na rin umano nagpapakita sa kanyang address.

Nag-ugat ang pambabatikos nang basain nito ang isang rider na tumanggi aniyang magpabasa sa kanya dahil papasok ito sa kanyang trabaho ngunit binasa pa rin nito gamit ang water gun habang nang-aasar at nakalabas pa ang dila.

Ang basaan ay isang tradisyon bilang pagdiriwang ng taunang Kapistahan ni San Juan Bautista na simbolo ng ginawang binyagan nina Hesukristo at San Juan Bautista na ipinagmamalaki ng lungsod ng San Juan bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng kanilang lungsod.