BABALA! SENSITIBONG BALITA:
LANSANGAN: PALARUAN NA NAGING HULING HANTUNGAN NG ISANG BATA
Ang lansangan—larawang buhay ng kabataan, puno ng tawa, laro, at pag-asa. Ngunit noong March 24, 2025, naging saksi ito sa isang trahedyang kailanman ay hindi malilimutan. Sa lugar na dapat ay paraiso ng mga bata, isa ang hindi na kailanman makakauwi.
Isang umaga, masayang naglalaro ang apat na taong gulang na si Kotet—hindi tunay na pangalan—kasama ang kanyang kapatid at pinsan, sa gilid ng bukid. Ngunit ang masayang tagpong iyon ay biglang napalitan ng bangungot. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang 17-anyos na lalaki na may alyas na Juan ang humila sa kanya, matapos saksakin ang kaniyang nakababatang kapatid. Dinala si Kotet sa masukal na bahagi ng bukid—doon siya hinalay, at walang-awang pinaslang.
Nadaanan ng ilang saksi ang bahagi ng bukid na tinahak ni Juan, ngunit noon ay wala pa roon ang kasuotan ng bata. Ilang oras pa ang lumipas bago matuklasan ang mas nakapangingilabot na katotohanan.
Ayon sa ina ng suspek, matagal na nilang alam ang kondisyon ng anak—may iniindang sakit sa pag-iisip. Kaya’t ikinakadena nila ito para hindi makapanakit. Ngunit noong araw ng insidente, pinalaya siya dahil gusto raw nitong maligo.
Sa gitna ng dalamhati, nagpaabot ng mensahe ang ina ng suspek para sa pamilya ng biktima.
Ayon sa ama ng biktima, apat na kaso ang isinampa laban sa suspek –murder, rape, child abuse at homicide.
Hindi pinaniniwalaan ng pamilya ng biktima ang pahayag na may sakit sa pag-iisip ang suspek. Para sa kanila, malinaw ang layunin ng ginawa at malinaw rin ang kanilang panawagan: hustisya para kay Kotet.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kulungan habang hinaharap ang patong-patong na kaso, ngunit saan ba siya nararapat dalhin? Sa kulungan o sa hospital ng mga may sakit sa pag-iisip? Muli ako si Alyza Anog, nag-uulat.

