BABALA! SENSITIBONG BALITA:
LASING NA PASAHERO, SINAKSAK ANG TRICYCLE DRIVER SA BAYAN NG ZARAGOZA
Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang isa umanong lasing na pasahero na nanaksak ng tricycle driver sa Barangay Sta. Lucia Bata, Zaragoza, Nueva Ecija.
Ang biktima ay 59 years old na residente ng Barangay Concepcion West ng naturang bayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas tres ng madaling araw noong October 26, 2024 nang sumakay sa terminal ng tricycle ang suspek at nagpapahatid sa Barangay Sta. Lucia Matanda, Zaragoza.
Sinabi umano ng suspek sa driver na wala siyang pambayad sa pamasahe. Ayon sa salaysay ng biktima, habang bumibyahe ay pinahinto siya ng suspek dahil iihi ito.
Ngunit nagulat na lamang siya nang bigla na lang siyang atakihin nito ng saksak sa likod. Sa kabila ng tinamong sugat ay nagawa nitong makarating at dumulog sa police station.
Alas singko nang madaling araw nang madakip ng mga pulis ang suspek sa bahay nito sa Barangay San Vicente ng nasabi ring bayan.

