LATAK SA MGA PAANG DE-MOTOR

Ikaw ba yung tipo ng taong tamad, tambay, hintay-ayuda, reklamador, o umaasa lang sa bigay ni nanay? Kung oo ay ibahin ninyo ang kwento ng isang residente sa San Jose City, Nueva Ecija na sa kabila ng kaniyang kapansanan ay kumakayod, nagbabanat ng buto, at nakikipagsapalaran sa hirap na pinupukol ng mapanlarong mundo.

Ako si Khristaline Costales Arcibal at samahan ninyo akong alamin at bigyang-pansin ang kakaibang kwento ng kasipagan at pagsisikap ng isang pilay na magbabakalbote bilang inspirasyon sa mapanghamong henerasyon.

Pagbabakalbote, marumi, mabaho, at nakasusulasok. Gawaing pisikal na nangangailangan ng lakas ng kamay, bisig, at mga paa. Katawa-tawa para sa karamihan ngunit buhay para sa isang San Josenian.

Natagpuan ni Kuya Jun ang kabuhayang nagbigay sa kaniya ng rason para magpatuloy. Hindi alintana ang mainit na panahon o ang amoy ng mga basurang kaniyang binibili sa kaniyang pagpupursigi. Gamit ang motor niyang nilagyan ng sidecar ay nagkaroon siya ng paraan para makapagtrabaho at pahalagahan ang mga bote’t plastik bilang pangunahing pagkakakitaan.

Mahalagang malaman ang kahalagahan ng mga ahensiyang mayroong malasakit sa mga kagaya niyang may kapansanan. Sa paraang ito mabibigyang-diin ang kakayahan ng gobyernong maibigay ang tamang benepisyo o ayudang naaayon para sa mga PWD-ing kagaya ni Kuya Regino.

Sa kabila nito, hindi pa rin naging madali ang naging kalagayan ni Kuya Jun.

Iba ang katatagan ng isang taong malakas ang loob at alam ang kaniyang kakayahan. Isang matibay na ebidensya ang kalagayan ni Regino na kahit hinamon ng kaniyang kapansanan ay hindi pinilay ang kaniyang paniniwala para mabuhay at magpatuloy.

Hindi matatawaran na sa likod ng mga bote’t plastik na tila latak para sa milyong-milyong Pilipino ay isang istoryang inspirasyonal at positibo ang landas na nilalakbay. Isang patunay na hindi basehan ang simpleng kabuhayan para mahiya, ang kapansanan para tumigil, o ang kahirapan para maging tamad o magreklamo. Ito’y makabuluhang kwentong sinisilay ang tunay na hakbang sa tagumpay mula sa mga latak na biyaya sa kaniyang mga paang de-motor.