LIBO-LIBONG ESTUDYANTE, EMPLEYADO SA UNIBERSIDAD SA PAMPANGA, TINAMAAN NG FLU
Mahigit 1,400 estudyante at empleyado ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) sa Magalang, Pampanga ang tinamaan ng influenza-like illness (ILI), dahilan upang palawigin ng pamunuan ang kanilang study-from-home setup hanggang Oktubre 30.
Batay sa survey ng unibersidad na isinagawa noong Oktubre 23 hanggang 24, 1,310 sa 3,153 estudyante o 41.55 porsiyento ang may sintomas ng trangkaso, lagnat, at ubo. Samantala, 135 sa 339 guro at kawani o halos 40 porsiyento rin ang nag-ulat ng parehong sintomas.
Bilang tugon, ipinag-utos ng administrasyon ang pagpapatuloy ng alternative learning setup at skeletal workforce upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa kampus.
Nauna nang ipinatupad ng PSAU ang kaparehong sistema mula Oktubre 20 hanggang 24 matapos ding tumaas ang bilang ng mga nagkasakit.
Tiniyak ng pamunuan na patuloy na ipinatutupad ang minimum health protocols, kabilang ang pagsusuot ng face mask at pagmo-monitor sa kalusugan ng mga estudyante at empleyado.

