Inilunsad ng Provincial Government ng Nueva Ecija ang programang pagbabakuna sa mga alagang hayop kaugnay ng selebrasyon ng Rabies Awareness ngayong buwan ng Marso.
Ayon sa mga eksperto, ang rabies ay isang uri ng nakamamatay na sakit na dala ng virus na nanggagaling sa kagat ng mga hayop na may rabies, ito ay naipapasa sa pamamagitan ng laway at kagat ng hayop.
Kaya naman payo ni Dra. Jennilyn Averilla, mahalagang mabakunahan kontra rabies ang mga alagang hayop upang mabigyan sila ng proteksyon sa sakit na ito, gayundin ang mga nag-aalaga sa kanila ay maging protektado.
Bukod sa vaccination campaign, layunin din ng programang ito ang pagbibigay kaalaman sa publiko ukol sa rabies at kung ano mga dapat gawin sa kanilang mga alagang aso o pusa sa oras na makagat o malantad sila sa ibang hayop na may sakit.
Panawagan ni Dra. Averilla, pabakunahan ang ating mga alaga lalo na’t bukas at tuloy tuloy lang ang vaccination sa Kapitolyo, at maaari ring humiling ng tulong ang mga pet owners sa barangay at munisipyo upang mapuntahan ng Provincial Veterinary Office at mabigyan ng sapat na bakuna.
Maliban aniya sa pagbabakuna ay kinakailangan ding bigyan ng maayos na tulugan, sapat na pagkain at ituring na pamilya ang mga alagang hayop upang ito’y maging malusog at makaiwas sa anumang sakit.
Dagdag pa niya, makakatulong sa pagbawas ng rabies cases sa lalawigan ang pag-control sa populasyon ng mga aso, kaya naman nagsasagawa rin ang kanilang opisina ng spay and neuter o pagkakapon kung saan maaaring dalhin ang mga aso’t pusa sa kanilang tanggapan tuwing Lunes hanggang Biyernes at kanilang aalagaan ng libre.

