LIBRENG GAMOT, EDUKASYON, PROTEKSYON PARA SA MGA KASAMBAHAY, ISUSULONG SA SENADO
Isinusulong ni Senator Alan Peter Cayetano ang Senate Bill No. 418 o Enhanced Batas Kasambahay Act, na layuning palawakin ang mga benepisyo at proteksyong ipinagkakaloob sa mga kasambahay sa ilalim ng kasalukuyang batas.
Sinabi ni Cayetano, hindi sapat ang mga probisyong nakapaloob sa umiiral na Republic Act No. 10361 o Batas Kasambahay upang matugunan ang mga kasalukuyang hamon sa kalagayan ng mga manggagawang pantahanan kabilang na ang mababang sahod, kakulangan sa skills training, at limitadong access sa serbisyong pangkalusugan.
Sa pamamagitan ng panukalang batas, nais ni Cayetano na bigyang-diin ang pagkilala sa mga kasambahay bilang mahalagang bahagi ng lipunan na may karapatang umunlad at maprotektahan.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagbibigay sa mga kasambahay ng hindi bababa sa isang oras kada araw o anim na oras kada linggo para sa skills training o alternative education, at ituturing ito bilang bahagi ng kanilang bayad na oras ng trabaho.
Upang maisakatuparan ito, inaatasan ang Department of Labor and Employment o DOLE na maglunsad ng programang magbibigay ng internet-enabled devices sa mga kasambahay upang masuportahan ang kanilang pag-aaral.
Itatatag rin ang Kasambahay Education Inter-Agency Committee na binubuo ng DOLE, TESDA, DepEd, at CHED upang bumuo ng practical at abot-kayang learning modules, tiyaking may access kahit may teknikal na limitasyon, at balansehin ang karapatan ng amo at kasambahay.
May probisyon din para sa libreng maintenance medicines para sa mga kasambahay na may diabetes, altapresyon, hika, TB, at iba pang chronic illnesses. Sagot ito ng PhilHealth at mga local government units sa ilalim ng National Health Insurance Program.
Pinalalakas din ng panukala ang pagpapatupad ng obligasyon ng mga amo na irehistro ang kanilang kasambahay sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG, gayundin ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga kasambahayang nakararanas ng pang-aabuso, pagmamaltrato, o pagsasamantala.
Dagdag pa ni Cayetano, ang panukalang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na bawasan ang social inequality sa bansa, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pantay na oportunidad simula mismo sa loob ng bawat tahanan.
Sa kasalukuyan, ang Senate Bill No. 418 ay nasa antas pa ng deliberasyon sa komite at inihahanda para sa plenary debates sa Senado.
Target ng panukala na makakuha ng suporta mula sa iba pang mga mambabatas upang ito ay maisabatas bago matapos ang taon.

