Nagsimula na ang Libreng Medical Check-up para sa mga Empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa New Capitol Lobby, Palayan City noong Lunes, Abril 22.

Ayon kay Dra. Josie Garcia, PHO Chief, magpapatuloy ang programang ito tuwing Lunes mula 7 ng umaga hanggang 4 ng hapon. Aniya, hindi titigil ang programa hanggang hindi pa nasusuri ang lahat ng mga empleyado para sa libreng pacheck-up na handog ng kapitolyo.

Ang nasabing programa ay isang inisyatibo ni Governor Aurelio “Oyie” Umali upang tiyakin ang kalusugan ng lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan. Sa pamamagitan nito, masusuri ang ECG, blood sugar, cholesterol level, at x-ray ng mga empleyado ng provincial government.

Unang pinagtuunan ng pansin sa kanilang paglulunsad nitong Lunes ang mga senior citizen. Sa susunod na Lunes, April 29, ang mga empleyadong may comorbidities naman ang bibigyan ng prayoridad.

Ibinahagi rin ni Dra. Garcia na ang mga resulta sa naging check-up kamakailan ay malalaman na sa Lunes, April 29. Inaabot umano ng 1 week bago lumabas ang resulta dahil hindi kayang magproseso ng marami ang machine na gamit nila.

Gayunpaman, sa darating na Lunes na gaganapin ang kauna-unahang check-up para sa mga senior citizen na nagpasuri noong April 22 kung saan mag-iimbeta sila ng mga doktor mula sa mga district hospital na magsasagawa ng physical examination.

Dagdag pa niya, sisikapin nilang makapagbigay ng libreng gamot para sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan.

Taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ng mga provincial government employees sa malasakit na hatid nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc. Anthony Umali para sa kanilang kalusugan.