LIBRENG OPERA SA MGA CYST, LIPOMA, KULUGO, ISINAGAWA SA SAN ANTONIO DISTRICT HOSPITAL

Mahigit animnapung (60) Novo Ecijano ang nabigyan ng serbisyo sa isinagawang medical mission, sa San Antonio District Hospital, noong July 25, 2025.

Ayon kay Dr. Nap Palor, acting chief ng San Antonio District Hospital, isinagawa ng mga hepe ng mga pagamutan sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga minor surgical operation.

Kagaya ng pagtanggal ng sebaceous cyst, tendon cyst, lipoma at kulugo.

Ipinaabot aniya nila ang libreng operasyon sa pamamagitan ng Facebook, pagkatapos ay nagkaroon ng screening ng mga pasyente na may edad sampu pataas.

Nakatuwang ng San Antonio District Hospital sina Dr. Duque, hepe ng Gapan City District Hospital; Dr. Joseph Navallo, hepe ng San Jose City General Hospital; at Dr. Jonathan Manguba ng ELJ Hospital.

Maliban sa libreng operasyon ay naglaan rin ang kapitolyo ng libreng gamot para sa tuloy-tuloy na gamutan ng mga benepisyaryo.