LIBRENG SAKAY, PABIRTHDAY NI KUYA DRIVER SA KANYANG MGA PASAHERO
Buong araw na bumiyahe ang isang Jeepney Driver sa Angeles City, Pampanga noong April 22, 2024 para maghatid ng libreng sakay sa kanyang mga pasahero.
Isa sa kanyang regular na pasahero ang Novo Ecijanong si Graham Russel na ngayon ay doon na nakatira, ang nag-akala noong una na baka nakapagpagraduate ng anak sa kolehiyo o nakapasa ng board exam ang anak ng driver kaya ito may pa-free ride.
Dahil sa kuryosidad at walang makapagsabi kung para saan ang nakapaskil na free ride sa harap ng jeep, ay tinanong na din niya ang tsuper at sinabing birthday niya nung araw na iyon.
Mula sa simpleng pagtatanong ani Russel ay naantig ang kanyang puso at tila natouch din si Mamang Driver dahil isa-isa na din siyang binati ng mga pasahero ng maligayang kaarawan.
Bumilib din si Russel kay Manong Driver dahil sa kabila ng matinding init ng panahon at mataas na presyo ng gasolina ay nagawa pa nitong maghandog ng libreng sakay sa kanyang mga pasahero.
Para kay Russel, paraan marahil ito ng tsuper para pasalamatan ang mga commuters, kaya naniniwala siyang mas malaking biyaya pa ang babalik sa buhay nito.
Remarkable o talagang agaw-pansin naman ang jeepney ni kuya driver hindi lang dahil sa nakapaskil na free ride kundi dahil na rin sa Hello Kitty theme ng kanyang sasakyan.

