Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, nagsagawa ng libreng serbisyo caravan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pakikipagtulungan sa Municipality of Talavera.
Tampok sa aktibidad ang libreng masahe, manicure at pedicure, at gupit na ginanap sa municipal hall upang direktang mapakinabangan ng mga residente.
Ayon kay Albert Mungcal, PMTCAC Manager, layunin ng programa na makatulong lalo na sa mga senior citizen, ina ng tahanan at mga mag-aaral sa pamamagitan ng serbisyong karaniwang nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso.
Isinusulong ang inisyatibang ito sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali, katuwang ang iba pang opisyal ng lalawigan. Bukod sa libreng serbisyo, patuloy rin ang pagbibigay ng community-based training tulad ng hilot massage, nail care at iba pang kursong pangkabuhayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Talavera sa patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang bayan. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, higit na pinagtitibay ang adbokasiya ng gender equality at inclusive society sa lalawigan.

