Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na kauna-unahang National Higher Education Day Summit na susuportahan ng gobyerno ang libreng tertiary education para sa mga karapat-dapat na mag-aaral na hindi kayang suportahan ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Ito aniya ay sa pamamagitan ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, at inilaan na budget ng gobyerno na nagkakahalaga ng PhP134 billion para sa mga state universities at college ngayong taon.
Sa kanyang pahayag sa naganap na National Higher Education Day Summit 2024 sa PICC, sinabi ng Pangulo na kailangang mag invest ng gobyerno sa edukasyon dahil kailangan ng bansa ng mga skilled workers.
Iniatas din ni Pangulong Marcos na dagdagan ang budget ng CHED para sa taong 2025, upang mabigyang-pansin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng access sa dekalidad na tertiary education ng mga Pilipino.
Dagdag pa niya, anumang gastusin sa edukasyon ay hindi dapat na ituring bilang expenditure kundi investment para sa mga Pilipino at sa buong bansa.
Naniniwala rin aniya siya na ang edukasyon ang pinakamahalagang serbisyo na dapat ibinibigay ng gobyerno sa mga mamamayan nito.

