LICABEÑA, SUMA CUM LAUDE SA UPLB; NAGHAHANDA PARA MAGING DOCTORS TO THE BARRIO

Isang bagong kwento ng tagumpay at inspirasyon ang hatid ng isang kabataang Novo Ecijana matapos magtapos bilang Summa Cum Laude sa University of the Philippines – Los Baños (UPLB).

Si Luziana Lyn Maximo, tubong Licab, Nueva Ecija, ay nagtapos ng BS Human Ecology, major in Human and Family Development Studies noong Hulyo.

Sa kanyang kwento, ibinahagi niya na ang simpleng pamumuhay sa Nueva Ecija, sa gitna ng kabukiran at sariwang hangin, ay malaking bahagi ng kanyang pagkatao at naging pundasyon ng kanyang tagumpay.

Bagamat hindi ito ang orihinal niyang plano, natutunan niyang yakapin ang kanyang kurso—isang larangan na nakatuon sa pag-unawa sa ugnayan ng tao, pamilya, komunidad at kapaligiran.

Aniya, dito niya nakita ang halaga ng pagiging bahagi ng pagbabago para sa mga susunod na henerasyon.

Isa sa pinakamalaking hamon na kanyang hinarap ay ang paglayo sa pamilya upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Laguna, gayunman, naging sandigan niya ang mga bagong kaibigan at ang inspirasyon na makapagtapos.

Pinanghawakan din niya ang mantra ng UP na “Honor and Excellence”, na aniya’y nagsilbing gabay sa kanyang paglalakbay bilang estudyante.

Kasunod ng kanyang pagtatapos, kasalukuyan siyang naghahanda para sa NMAT bilang unang hakbang tungo sa pagtupad ng kanyang pangarap na maging isang doktor.

Layunin ni Luziana na maging bahagi ng programang Doctors to the Barrio (DTTB) upang makapagsilbi lalo na sa mga komunidad na kulang sa serbisyong pangkalusugan.

Para sa mga kabataang nangangarap din, ibinahagi niya ang tatlong mahalagang paalala: magsimula, magpahinga kung kinakailangan pero huwag sumuko, at huwag kalimutang lumingon sa pinagmulan upang makapagbigay-serbisyo sa bayan.

Sa loob ng limang taon, nakikita ni Luziana ang kanyang sarili bilang ganap na doktor na handang ibalik sa bayan ang serbisyong nararapat sa kapwa Pilipino.