Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga ang pabahay para sa mga Aeta sa bayan ng Porac.
Sa Facebook post ng Pampanga PIO, para kay Gov. Nanay Pineda ang lupa ay pundasyon ng kabuhayan at pagkakakilanlan ng mga Aeta.
Kaya naman, nakikipag-ugnayan na ang Kapitolyo sa Philippine Veterans Bank para sa mga lupain.
Ayon kay Jocelyn Root, Acquired Assets Head ng bangko, tinitiyak nila ang maayos na proseso ng pagtitulo ng lupa.
Dahil dito, mas mabilis na makakamit ang pangarap na pabahay para sa mga Aeta.
Bukod pa rito, ang bawat pamilya ay magkakaroon na rin ng legal na karapatan sa kanilang tinitirhan.
Layunin ng proyektong ito na mabigyan ng maayos na tahanan ang bawat katutubong pamilya.
Mahalaga rin umano ang seguridad sa lupa upang mapanatili ang kanilang komunidad at kultura.
Samantala, matatandaang 77 families na ang nabigyan ng sariling bahay ng Kapitolyo noong taong 2022.
Sila ang mga katutubong naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa lalawigan noong 2019.

