Malamang na bumalik sa pag-iisyu ng lisensiyang papel ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motoristang kukuha ng driver’s license ngayong Pebrero.

Sa press conference sa LTO main office sa QC, sinabi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza, sa ngayon ay umaabot na lamang sa 270,000 ang plastic license na hawak ng ahensiya na maaa­ring tumagal ng hanggang dalawang linggo o di kaya ay hanggang sa katapusan na lang ng Pebrero.

Anya umaabot sa 550,000 ang demand ng LTO sa plastic card kada buwan.

Sinabi ni Mendoza na nasa Court of Appeals pa ang tungkol sa usapin nang 3.2 mil­yong plastic cards na hindi pa nade-deliver sa LTO.

Ito umano ay parte ng 5.2 million na plastic cards na isusuplay sa LTO, pero 2 million lamang ang nai-deliver na ginagamit hanggang ngayon.

Samantalang 3.2 milyon na plastic cards ay hindi pa aniya naide-deliver sa LTO dahil wala pa ang utos ng korte para dito.

Ang usaping ito ay may kinalaman sa pagpapalabas ng TRO ng Quezon City Court nang mag­reklamo ang ALL Cards Inc. laban sa LTO, DOTr at nanalong bidder ng plastic cards na Banner Plastic Card Inc. dahil hindi umano nabigyan ng due process nang i-disqualify sa bidding process kahit pasado sa requirements ng Bids and Awards Committee ng DOTr.

Paliwanag ni Mendoza kung wala pa ring utos ang korte na mai-deliver na sa kanila ang kulang na 3.2 milyong plastic cards, maaaring mag-agency to agency procurement sila ng plastic cards pero ito ay daraan pa sa mara­ming proseso.

Anya umaabot sa 8 milyong plastic cards ang demand ng LTO ngayong taong 2024 kasama na ang 2.6 milyong nag-expire ang mga lisensiya.