LITAW PROGRAM, TULONG NG GOBYERNO SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD; IPATUTUPAD NA

Inaasahang simula sa darating na linggo ay kailangan nang bayaran ng gobyerno ang electric bill at iba pang pangunahing serbisyo ng bawat pamilyang biktima ng matinding kalamidad.

Ito’y kasunod ng anunsyo ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ipatutupad na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang LITAW program sa ginanap na pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa 425 solo parents sa Talavera, Nueva Ecija noong January 24, 2025 na kanyang pinangunahan kasama si former Senator Manny Pacquiao at mga opisyales ng naturang bayan.

Ang LITAW Program o Liwanag, Internet, Tubig, Assistance, Welfare (Senate Bill No. 2848) ay nakabatay sa Three-Gives Law (Senate Bill No. 1473) na parehong akda at isinusulong ni Tolentino na magbibigay-tulong at suporta sa mga residente sa mga baryo at lalawigang apektado ng kalamidad at nangangailangan ng tulong ng gobyerno.

Ang “three-gives law” na nagbigay-daan sa hulugang pagbabayad ng kuryente noong panahon ng pandemyang COVID-19 ay napaso pagkatapos ng naturang krisis pangkalusugan.

Paliwanag ng senador, ang LITAW program ay sagot sa nakita niyang problema ng mga pamilya na naging biktima ng kalamidad na napipilitang unahin ang pagbabayad sa kanilang mga utility bill upang maiwasan ang pagkaputol nito, habang sila ay nasa proseso ng pagtatayo ng kanilang mga nasirang bahay at pagbawi pagkatapos mawasak ang mga ari-arian.

Ipatutupad ang programa sa pamamagitan ng guidelines ng DSWD kung saan sasagutin umano ng gobyerno ang buong bayarin ng mga biktima ng kalamidad hanggang sila ay makabangon.