LOLA, NASAWI NGA BA DAHIL SA MILKTEA AT SHAWARMA?
Kumakalat ngayon sa social media ang kwento sa umano’y taong nag-iikot sa mga barangay na nagbibigay ng milktea at shawarma sa mga bata na ini-uugnay sa pagkasawi ng isang lola dahil sa hinihinalang food poisoning.
Pinuntahan ng team ngTV48 ang mismong lamay ng sisentay otso anyos na si Ofelia Dupitas sa Brgy. Palestina, San Jose City upang alamin ang katotohanan sa likod nito at doon ay inihayag ng kanyang pamilya na binawian ito ng buhay dahil sa pagsusuka pagka-inom ng milktea.
Base sa salaysay ng 33-anyos na si “Nora” hindi tunay na pangalan, na pamangkin ni lola Ofelia, bandang alas tres trenta ng hapon noong January 22, pagkauwi ng kanyang Grade 1 na anak mula sa eskwelahan ay kumatok sa gate ng kanilang bahay sa Brgy. Bagong Sikat, Mun̈oz ang kaklase nito at ini-abot ang dalawang milktea at dalawang shawarma para sa kanyang ina na galing daw sa kanyang lolo na nasa Brgy. Bantug ng naturang lungsod.
Nakasipsip ng milktea ang dalawang batang babae at dalawa pang lalaking magpinsan, habang ang isang milktea naman ay halos kinalahati ni lola Ofelia na tiyahin ni Nora na dumalaw lang doon.
Nang tanungin umano ni Nora sa lolo ng kanyang anak kung ipinadala nga nito ang milktea at shawarma ay itinanggi nito na nagpadala siya ng merienda sa kanila, kaya agad na inawat ni Nora ang mga ito sa pag-ubos sa milktea, samantala ni hindi naman nila tinikman ang shawarma.
Makalipas ang ilang sandali ay sumuka na aniya ang kanyang anak, ngunit mabilis ding nahimasmasan, ngunit si lola Ofelia ay itinakbo na sa OSLAM nang magpatuloy ang pagsusuka nito.
Pagdating sa ospital ay nadatnan din nila doon ang magpinsang estudyante na nakainom din ng milktea.
Nakahingi kami ng kopya ng kuha ng CCTV sa boarding house kalapit ng bahay nila Nora, kung saan kita ang pagdaan ng isang itim na motor sakay ang isang lalaking nakasuot ng itim na helmet na tugma sa deskripsiyon ng batang inabutan nito ng milktea at shawarma.
Panandaliang huminto ito sa gilid, at makalipas ang limang minuto ay bumalik ito at makikita na may bitbit na itong kulay dilaw na plastic na pinaglagyan ng ibinigay nitong milktea at shawarma.
Ayon kay PCpl Beney David ng Science City of Muñoz Police Station, under investigation pa ang kaso.
Hindi pa rin kumpirmado kung nalason nga ba si lola Ofelia dahil sa ininom na milktea dahil hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hinihintay pa ang kanyang death certificate mula sa PJG Hospital kung saan siya inilipat.
Pinabulaanan naman ni PSSg Maribeth Abad, Community Affairs and Development PNCO ang kumakalat na balita na mayroong nagpapamigay ng milktea at shawarma sa mga barangay at nagpaalala sa publiko na patuloy na mag-ingat at huwag makipag-usap o makipag-ugnayan sa mga estranghero.

