Sinasabing kung gaanong ipinagmamalaki ng mga magulang ang kanilang anak ay katumbas din ng pagiging proud ng mga lolo at lola sa kanilang mga apo, kaya naman buong pagmamalaking tinanggap ng mag-asawang Senior Citizen sa Science City of Muñoz, ang medalya at parangal para sa kanilang kambal na mga apo na nasa Amerika na ngayon.
Kwento ng ama ng kambal na si Gerome Balora, buntis pa lamang noon ang kanyang asawa na si Bituin ay nakaproseso na ang lahat ng mga dokumento nito para isama niya sa Amerika, ngunit nang maipanganak ang kambal ay pre-mature ang mga ito kaya napagdesisyunan nilang iwan na muna ang mga bata sa kanyang mga biyenan.
Ayon naman kina Lolo Rodolfo at Lola Pacita, tatlong buwan pa lamang naipapanganak ang kambal na sina Gem at Star ay sila na ang nag-alaga at kumalinga sa mga ito na pinalaki nilang may pagmamahal at paggalang sa mga magulang at sa murang edad ay nakitaan ng magandang asal dahil sa kanilang patnubay.
Nag-aral ng kindergarten ang dalawa sa Guiding Star Learning Center at nang kunin na sila sa Amerika ay naki-usap sa eskwelahan ang ina nilang si Bituin na ipagpatuloy ng kambal ang kanilang pag-aaral thru online na pinahintulutan naman ng paaralan.
Nang malaman ni Bituin na may karangalan ang kambal at kinakailangan ng representante ay agad naman niyang ipinaalam ito sa kanyang mga magulang na walang pagdadalawang-isip na pumayag na sila na ang aakyat ng stage para sabitan ng medalya para sa kanilang mga apo.
Tinanggap nina Lolo at Lola ang certificate ni Gem at mga parangal na with High Honors, Kinder Curious Award, Batang Maasahan Award at Busy Bee Award; at inabot din ang certificate ni Star at mga parangal na with High Honors, Tinig ng Kabataan Award, Awesome Artist Award, Great Giver Award at Task Champ Award.
Hangad ng kanilang grandparents na saan man mapunta ang kanilang mga apo ay huwag kalilimutan ang pananalig sa Diyos at magkaroon ng mabuting kapalaran.
Pasasalamat naman ang mensahe ni Bituin sa kanyang mga magulang at mga kapatid dahil sa tamang paggabay, pag-aalaga at pagmamahal sa kanilang mga anak sa mga panahong nasa malayo sila para kumayod para sa maganda nilang kinabukasan.

