LTO, SINUSPENDI ANG PAGPATAW NG MULTA SA MGA BUMILI AT NAGBENTA NG 2ND HAND NA SASAKAYAN NA HINDI INI-REPORT
Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong kautusan na nagpapataw ng malaking multa sa mga nagbenta at nakabili ng segunda-manong sasakyan na hindi ini-report ang bentahan at hindi inilipat sa bagong may-ari ang rehistro ng sasakyan.
Ayon sa post ng LTO sa kanilang fb page na pirmado ni LTO Chief at Assistant Secretaty Atty. Vigor Mendoza II, ang naturang memorandum na may petsang Oktubre 23, 2024 ang nagsususpinde sa implementasyon ng Administrative Order No. VDM-2024-046, na inilabas noong Agosto.
Para aniya mas mahusay na maipatupad at upang bigyan ng mas maraming panahon ang mga stakeholders na magbigay ng kanilang opinion tungkol dito.
Iniutos din ni Mendoza ang kinauukulang opisyal na maglabas ng panibagong AO na makakasama na ang mga mungkahi ng iba’t-ibang stakeholders.
Una rito, nakasaad sa AO No. VDM-2024-046 na papatawan ng hanggang P40,000 ang bibili at magbebenta ng segunda-manong sasakyan na hindi magre-report ng bentahan at paglilipat ng rehistro sa bagong may-ari ng sasakyan.
Nakasaad din ang mga kailangan para sa paglilipat ng rehistro, kabilang dito ang notarized deed of sale, original na OR/CR na mula sa LTO, motor vehicle clearance certificate ng sasakyan mula sa Philippine National Police-Highway Patrol group (PNP-HPG), 2 valid government-issued IDs ng buyer at seller.

