Nagsagawa ng ocular visit sa Old Pantabangan Townsite o ‘Sunken Town’ sina Pantabangan Tourism Officer Emisonia Gante kasama ang Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Atty. Jose San Pedro bilang bahagi ng selebrasyon ng Heritage Month.

Ayon kay Municipal Tourism Officer, upang mapangalagaan ang lumang bayan, ay idineklara ng Sangguniang Bayan ng Pantabangan bilang isang Cultural Heritage Zone ng Sunken Town.

Makalipas aniya ang 50 na taon ay muling lumitaw ang lumang bayan na dating kinabibilangan ng Barangay East Poblacion, West Poblacion, Villa Rica, Liberty, San Juan, Marikit, Napon Napon at Barangay Cadaclan na ngayo’y inilipat na sa bagong bayan.

Kwento pa niya, simula noong lumitaw ang Sunken Town ay tumaas ng 30% ang bilang ng mga turista sa bayan ng Pantabangan.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa umano ang kanilang opisina ng mga plano kaugnay sa pangangalaga at pangangalap ng mga impormasyon at karanasan ng mga dating naninirahan sa lumang bayan.

Dagdag pa ni Provincial Tourism Officer, ang Sunken Town ay maaari muling lumubog pagkalipas ng ilang buwan, kaya sa pakikipagtulungan sa Municipal Tourism Office, ay magsasawa sila ng programa sa pamamagitan ng mga kwento o naratibo na maaring makahikayat sa mga turista, at maaari ring maipasa sa mga susunod na henerasyon.