MAAYOS NA SISTEMA SA BASURA: Nakakatipid ng humigit kumulang P700,000 kada buwan ang lokal na pamahalaan ng Sta. Ana, Pampanga matapos ayusin ang waste segregation at operasyon ng kanilang Materials Recovery Facility (MRF).
Ayon sa MENRO o Municipal Environment and Natural Resources Office, lahat ng basura mula sa mga barangay ay dinadala na ngayon sa MRF at agad na hinihiwalay sa biodegradable, recyclable, residual, at upcycled materials.
Ang mga nabubulok na basura ay ginagawang organic fertilizer, habang ang recyclable ay ibinibenta, at ang ilang plastik ay ginagawang pavement bricks para sa mga proyekto ng munisipyo.
Tanging residual waste na lang ang dinadala sa sanitary landfill.
Dulot ng bagong sistemang ito ang pagbaba ng basurang dinadala sa landfill mula sa dating 34 truckloads kada buwan, ngayon ay nasa 7 truckloads na lamang.
Dahil dito, ang gastos sa pagtatapon ay bumaba mula P925,000 sa humigit-kumulang P200,000 kada buwan.
Ayon kay Sta. Ana Mayor Dinan Labung, magpapatuloy pa ang pag-upgrade ng MRF na ngayon ay may hardin at alagang hayop na napapakinabangan ng mga basurero at kalapit na residente.

