MADALAS NA BROWNOUT AT UNDER VOLTAGE SA TARLAC AT NUEVA ECIJA, LABIS NA IKINABABAHALA NG MGA KONSYUMER NG TARELCO UNO

Lumitaw ang kabi-kabilang reklamo mula sa mga residente ng Tarlac at ilang bahagi ng Nueva Ecija kaugnay ng sunod-sunod na brownout at mga insidente ng under voltage na nararanasan sa mga bayan na sakop ng Tarlac I Electric Cooperative, Inc. (Tarelco I).

Ang mga sakop na bayan ng Tarelco I sa Tarlac ay ang bayan ng Anao, Camiling, Kalayaan, Mayantoc, Moncada, Paniqui, Pura, Ramos, San Clemente, San Jose, San Manuel, Sta. Ignacia, at Victorisa. Samantala, sa Nueva Ecija naman ay ang bayan ng Cuyapo, at Nampicuan.

Ikinababahala ng mga konsumedores ang madalas na aberya sa suplay ng kuryente, na hindi lamang nakaaapekto sa kanilang araw-araw na gawain kundi nagdudulot din ng pagkasira ng mga gamit at kabuhayan. Marami rin ang nadismaya sa kabiguang tuparin ng Tarelco I ang mga iskedyul ng power restoration na kanilang inia-anunsyo sa opisyal na Facebook page.

Lalo pang lumala ang sitwasyon nang makaranas ang ilang lugar ng under voltage—may suplay ng kuryente ngunit kulang sa lakas para mapatakbo ang mga appliances.

Ayon sa Tarelco Uno, ang problema ay nag-ugat sa teknikal na aberya sa 69kV transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Bagama’t wala silang direktang kontrol sa linya, tiniyak ng kooperatiba na sila ay aktibong nakikipag-ugnayan sa NGCP. Dagdag pa nila, may ilang insidente rin ng sirang fuse, mga ibong tumatama sa linya, at emergency maintenance.

Gayunpaman, hindi ito sapat na paliwanag para sa maraming residente. Umiigting ang panawagan para sa konkretong aksyon mula sa Tarelco Uno at NGCP. Sa social media, nagsimula na ring kumalat ang panawagan para sa isang imbestigasyon mula sa National Electrification Administration (NEA) at aktibong pakikialam ng mga lokal na opisyal upang matiyak ang maayos na serbisyo sa elektrisidad.

Nanawagan din ang publiko ng bukas na konsultasyon sa pagitan ng kooperatiba at mga konsyumer upang maiparating ang kanilang mga hinaing at matiyak ang maayos, tuloy-tuloy, at abot-kayang serbisyo sa kuryente.