MAG-ASAWA, PATULOY NA IPINAPAKILALA ANG PANGINOON SA MGA KABATAAN NG BARANGAY VALLE CRUZ, CABANATUAN CITY

Sa loob ng sampung taon, ay patuloy na naglilingkod Sa Panginoon at tumutulong sa mga kabataan ng Barangay Valle Cruz, Cabanatuan City ang mag-asawang sina Pastor Jojo at Jean Prieto na ibinahagi nila sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman.

Sa kanilang layunin na maturuan ang komunidad lalo na ang mga kabataan na makakilala ang Panginoon, ay nagsimula umano ang kanilang ministry noong 2011 sa tambakan ng basura sa Valle Cruz.

Ayon sa mag-asawa, napili nila ang tambakan ng basura sa Valle Cruz sapagkat mayroon silang kaibigan noon na nagbibigay ng mga gamot at kasuotan sa komunidad, at humiling umano ito na magkaroon ng Pastor para sa ministry.

Kwento ni Pastor Jojo, noong simula ay tinanggihan niya ito dahil sa hindi kaaaya-ayang amoy, mausok at malangaw na paligid.

Samantala. sa loob ng sampung taon bilang Pastor ay nakapagtayo na rin sila ng simbahan na Victory of the Cross Church na matatagpuan naman sa Bitas, Cabanatuan City.

Ikinuwento rin ng mag-asawa na tuwing araw ng linggo ay buong araw silang naglilingkod, sapagkat matapos umano ang service sa simbahan ay tumutuloy na sila sa Valle Cruz upang tipunin ang mga bata at sila’y turuan, pakainin at ipagdasal.

Ipinagpapatuloy din ng mag-asawa ang kanilang ministry sa tambakan ng basura sapagkat kadalasan umanong ang mga nasa labas ang nangangailangan ng Salita Ng Diyos.