MAG-ASAWANG CABANATUEÑO NA NAKAKARITON, HINANDUGAN NG BIGAS NG ISANG PULIS-VLOGGER

Tampok sa viral na vlog ni Ser Chif TV, isang pulis at vlogger, ang mag-asawang Cabanatueño na nadaanan niya sa gilid ng kalsada habang papasok sa kanyang duty.

Mapapanuod sa video na kasalukuyang nagsasaing ang mag-asawa sa tabi ng kalsada nang lapitan sila ni Ser Chif at napag-alaman niyang taga-Cabanatuan City ang mag-asawa na nagtungo sa Pangasinan sakay ng kanilang kariton kasama ang kanilang alagang aso, para sana dumalaw sa isang kamag-anak, ngunit napag-alaman nilang ito ay umuwi na sa probinsya.

Dahil dito, nagpasya ang mag-asawa na bumalik na lamang sa Nueva Ecija.

Ayon sa lalaki na nagpakilalang si Rocky, sa kanilang paglalakbay ay palagi silang naghahanap ng ligtas na masisilungan at matutulugan tuwing sasapit ang gabi.

Dahil sa kanilang kalagayan, hindi nag-atubiling tumulong si Ser Chif at hinandugan niya ng bigas ang mag-asawa at pinayuhan silang huwag nang mamalagi sa kalsada at sa halip ay manatili na lamang sa kanilang tirahan sa Cabanatuan para sa kanilang kaligtasan.

Umani ng papuri mula sa netizens ang ginawang pagtulong ni Ser Chif, marami ang naantig sa kanyang malasakit at nagpaabot ng paghanga sa kanyang kabutihang loob.

Sa ngayon, pumalo na sa mahigit 1.1 million views ang naturang video sa kanyang Facebook page.