MAG-ASAWANG KAPAMPANGAN, MAY-ARI NG CONVERGE, NUMBER 16 SA FORBES’ RICHEST PINOY
Pasok sa listahan ng Forbes Richest in the Philippines ang mag-asawang Kapampangan na sina Dennis Anthony Uy at Maria Grace Uy.
Ayon sa inilabas na datos ng Forbes noong August 6, nasa $1.6 billion o humigit-kumulang P94 billion ang kanilang net-worth, dahilan kaya pasok sila sa #16 spot ng pinakayamang Pilipino ngayong taon.
Tubong Angeles City, Pampanga ang mag-asawa na nagsimula sa maliit na computer shop at ngayon ay nagmamay-ari ng isa sa pinakamalaking broadband provider sa bansa na Converge ICT Solutions.
Nagsimula ang Converge noong 2007, at sa tulong ng isang malaking foreign investor na Warburg Pincus na nag-invest ng $225 million noong 2019, mas lumawak ang kanilang internet network.
Sa kasalukuyan, umaabot na ang kanilang fiber broadband network sa mahigit 17 million na kabahayan sa buong bansa.
Samantala, nangunguna pa rin sa listahan ang Sy Siblings na may $11.8 billion, na sinundan nina Enrique Razon Jr., Manuel Villar, Ramon Ang, Isidro Consunji & siblings at iba pang mga kilalang bilyonaryo at negosyante sa bansa.

