MAGING LISENSYADONG GURO SA PASKO, PANGARAP NG ANAK NG MAGSASAKA

Isang anak ng magsasaka sa Pantabangan, Nueva Ecija ang nag-viral sa TikTok matapos ipahayag ang kanyang taos-pusong pangako sa kanyang mga magulang na magiging lisensyadong guro siya sa darating na Disyembre, kasabay ng resulta ng Licensure Examination for Teachers (LET).

Sa post ni @mam_myyy O Myleen Manangan, ikinuwento niya ang emosyonal na sandali kasama ang kanyang mga magulang bago magsimula ang misa.

Ayon sa kanya, ipinatasa niya sa kanyang mga magulang ang mga lapis na gagamitin para sa board exam. Ngunit sinabi ng kanyang ina na ipatasa na lahat sa kanyang ama dahil malaki ang tiwala at bilib nito sa kanyang tatay.

Habang tinatasahan ng kanyang ama ang mga lapis, napansin niyang tila ito’y nagdadasal at naiiyak.

Dagdag pa niya, inspirasyon niya ang sakripisyo ng kanyang mga magulang upang makamit ang pangarap na maging lisensyadong guro. Sila rin umano ang dahilan kung bakit gabi-gabi siyang umiiyak at nananalangin sa Diyos na ipanalo siya sa laban na ito.

Umabot na sa mahigit 700,000 views ang kanyang post at umani ng samu’t saring komento mula sa mga netizen.

Isa sa mga komento ang nagsabi: “Pumasa ka man o hindi, panalo ka na. Nakita mo yang parents mo? Madami kaming walang ganyan pero ikaw meron. Update mo kami kapag nakapasa ka and make your parents proud.”

Samantala, marami rin ang nagpaabot ng suporta at panalangin para sa kanyang tagumpay.

Isang netizen ang nagkomento: “Swerte mo be, wala akong ganyan. Kaya please gawin mo lahat ng makakaya mo for them. Iparanas mo ang buhay na deserve nila. Good luck!”

Sa darating na Disyembre, inaasahan ng maraming sumusuporta sa kanya na matutupad ang kanyang pangarap — na maging isang proud na anak ng magsasaka at lisensyadong guro.