MAGNA CARTA PARA SA MGA PILIPINONG SEAFARERS, BATAS NA; LAYONG PROTEKSYONAN ANG MGA PILIPINONG MARINO

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325 o Magna Carta for Filipino Seafarers bilang pagkilala sa sakripisyo at malaking kontribusyon ng mga Pinoy seafarers sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, layunin ng bagong batas na tiyakin ang karapatan ng mga seafarer sa tamang sahod, ligtas na trabaho, at patuloy na pagpapa-unlad ng kanilang mga kasanayan at kakayahan.

Dagdag pa niya, ang mga kumpanya ay dapat ding siguruhin na hindi lamang sumusunod sa mga batas, kundi pinoprotektahan din ang mga seafarer mula sa panganib, pang-aabuso, at diskriminasyon.

Binigyang-diin din ng Pangulo na ang makatarungang sahod para sa mga seafarers ay hindi lamang tungkol sa halagang nakasaad sa paycheck, kundi nararapat lamang na sila’y makatanggap ng tamang kabayaran para sa kanilang pagsusumikap at dedikasyon.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ang Magna Carta ay makakatulong sa pagpapahusay ng sertipikasyon ng mga seafarer upang sila’y mas maging mahusay at handang humarap sa mga hamon ng maritime industry.

Paglilinaw din ng Pangulo na ang Magna Carta ay magiging kaayon ng mga pamantayan sa Standards for Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) at mga global maritime labor laws.