BABALA: SENSITIBONG BALITA!
MAGNANAKAW SA MGA TINDAHAN SA CABANATUAN CITY, KULONG
Nahuli ng mobile patrol team ng Cabanatuan City Police Station at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng Camp Tinio ang suspek sa tatlong magkakasunod na mga insidente ng nakawan sa nasabing barangay noong October 23, 2024.
Hindi pinangalanan ang suspek na isang bente anyos na lalaki, construction worker, at residente ng 525th Village, Bagong Pag-asa St., Brgy. Camp Tinio.
Base sa report ng Nueva Ecija Provincial Police Office, bandang 12:41 AM nang subukang pasukin ng suspek ang Xieannah Dein Bigasan Rice Retail Store sa Zone 1 ng naturang barangay. Bagaman nabigo siyang looban ang tindahan ay sinira naman nito ang CCTV camera doon.
Sumunod na pinuntahan ng suspek at winasak ang Patrick’s Barber Shop sa Zone 3, na nanakawan ng Php7,000 cash.
Panghuli nitong pinasok sa pamamagitan ng pagsira sa tatlong padlock ng roll-up door ang AJ Mini Grocery sa naturang lugar din, kung saan nakulimbat niya ang Php10,000 cash at tatlong reams ng sigarilyo na nagkakahala ng Php4,100.

