MAGSASAKA SA NUEVA ECIJA, NANANAWAGANG REPASUHIN ANG RTL NA UGAT NG PAGBAGSAK NG PRESYO NG PALAY

Sa gitna ng krisis na kinakaharap ng mga lokal na magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay sa merkado pagpasok ng buwan ng Hulyo ngayong taon, naging sandigan ng mga maliliit na magsasaka ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Dahil muling namimili ang kapitolyo ng sariwang palay sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC) na nagpapaganap sa Palay Price Support Program (PPSP).

Matatandaan na itinatag ito ni Governor Aurelio Umali noong 2019 kasunod ng pagkakapasa ng Rice Tariffication Law (RTL) upang tulungan ang mga magsasaka na makipagsabayan sa kumpetensya sa pagdagsa ng imported rice sa bansa.

Ilan lamang sa mga benepisyaryo ng programa sina Ferdinand Malincon mula sa bayan ng Sto. Domingo, Ferry Frank Arenas, mula naman sa Poblacion South, Muñoz City, at Ricardo Ferrer ng Barangay Palagay, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay Arenas, noong August 6, 2025 ay inani niya ang kanyang 402 variety palay mula sa 1.2 ektaryang bukirin na umabot sa 98 kaban. Laking pasasalamat niya nang bilhin ito ng PFC sa halagang ₱14.50 kada kilo dahil ang presyong inaalok ng mga traders ay nasa ₱6 hanggang ₱8 kada kilo lamang.

Kwento naman ni Tatay Ricardo, halos 40% ng kanyang palay ang nasira dahil sa matitinding pag-ulan sanhi ng mga bagyo, ngunit binili ito ng PFC sa halagang ₱15 kada kilo.

Si Ferdinand Malincon naman ay kalahati lamang ng kanyang dating naaani ang naani ngayon, ngunit hindi siya nalugi dahil nakuha ng PFC ang kanyang palay sa halagang ₱14.50 kada kilo.