MAGSASAKANG KABATAANG NOVO ECIJANO, KUMASA SA YOUNG FARMERS CHALLENGE NG DEPARTMENT OF AGRICULTURE

Ilan sa mga kabataan ngayon ay nahihilig na sa pagsasaka, dahil namulat na sila sa kahalagahan ng pagkain ng bawat Pilipino.

Lalo na ang mga kabataang pinalaki at pinag-aral ng kanilang mga magulang na itinaguyod sa pamamagitan ng pagsasaka.

Kaya ilan sa kanila ay kumasa sa programa ng Department of Agriculture na Young Farmers Challenge na isang competitive financial grant assistance na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kabataan para makibahagi sa agri-fishery enterprise.

Sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service, ang pangako ng DA na tulungan ang mga kabataan na gustong ipatupad ang kanilang agribusiness venture ay muling pinagtibay sa ikatlong taon na paglulunsad ng Young Farmers Challenge.

Ngayong taon, nagmula sa tanggapan ni Senator Imee Marcos ang pondo na iginawad sa mga nagwaging kabataan para sa paunang kapital para sa kanilang layunin sa negosyo.

Ayon kay Rosita dela Cruz, Supervising Agriculturist ng Nueva Ecija, bawat lalawigan ay may 6 na participants sa Young Farmers Challenge. Bawat kalahok ay nag-submit online ng kanilang Business Model Canvas, gaya ng production, marketing at system agricultural technology para sa pagsasaka.

Pero dito sa Nueva Ecija ay magaganda ang kanilang ipiniresintang business model canvas kaya 9 ang naging kalahok at lahat ay nanalo sa provincial level at nakatanggap ng tig Php80k bawat isa at 2 naman ay nanalo sa regional level.

Umalalay ang Office of the Provincial Agriculture sa mga lumahok sa Young Farmers Challenge dahil prayoridad nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali na ipagpatuloy ng mga kabataan at susunod na henerasyon ang pagsasaka sa Nueva Ecija na tinaguriang ‘Rice Granary of the Philippines’, at ‘Onion Basket of Asia’.

Bukod sa pagbibigay ng mga capital grant, ang YFC ay maglalaan din ng tulong, tulad ng coaching at mentoring, promosyon ng produkto, at pagpapaunlad ng negosyo sa pagpaparehistro sa Food and Drug Administration (FDA).