Umaaray na ang mga magsisibuyas sa Central Luzon dahil sa mababang produksyon ng kanilang ani sanhi ng pag-atake ng armyworm o mas kilala sa tawag na Harabas na sadyang ikinasira ng kanilang pananim.

Ang Region 3 ay may pinakamataas na kontribusyon sa suplay ng sibuyas sa bansa na ayon sa sa datos ng Department of Agriculture ay nasa 55 percent ang naia-ambag sa rehiyon.

Bilang tugon, ang DA ay tinulungan ang mga onion farmers sa Gitnang Luzon tulad ng paglalagay ng pheromone traps na isang pamamaraan upang maiwasan ang pagdami ng Harabas sa bukid.

Nagbibigay din ang kagawaran ng libreng buto ng sibuyas, plastic mulch upang mabawasan ang kanilang pagkalugi pagkatapos ng ani, pallets para sa cold storage facilities, sprayers, cultivators at shovels.

Nakatakda ring i-turn-over ng ahensiya ang dalawang unit ng onion cold storage facilities sa mga munisipalidad ng Laur, Nueva Ecija at Hermosa, Bataan habang ang isang unit ay nai-turn-over na sa Brgy. Calancuasan Sur sa bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija.

Magtatayo rin ito ng apat na unit ng cold storage facilities para sa mga sibuyas na umaabot sa halagang P191 million na ibabahagi sa Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija.

Hinimok ni DA Regional Field Office 3 High-value Crops Development Program focal person AB David ang mga onion farmers na humingi ng tulong sa mga municipal or city agriculture office para magamit ang alinman sa mga tulong na nabanggit.

Aniya, ang mga magsasaka ay dapat nakarehistro sa Registry System sa sector ng agrikultura at miyembro ng farmers’ cooperative o association. Kinakailangan din na maghanda ng sulat na naka-address sa DA Regional director at ipasa sa mga municipal o city agriculturist sa kanilang lugar.