MAHALAGANG KONTRIBUSYON NG MGA KABABAIHAN SA AGRIKULTURA, KINILALA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Patuloy na kinikilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang katangi-tanging ambag ng mga magsasaka sa lalawigan sa pagpapanatili dito bilang Rice Granary of the Philippines at Vegetable Basket ng Central Luzon, kaya naman ngayong taon ay 3 mga kababaihan, 1 organisasyon at 2 lalaking magsasaka ang pinarangalan sa Awarding of Agricultural Achievers and Agri-Service Caravan bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-128th Unang Sigaw ng Nueva Ecija.
Ayon kay Supervising Agriculturist Lucy Dela Cruz ng Agri-business and Institutional Development Division ng Office of the Provincial Agriculturist, isinusulong nila ang pagpapakita at pagpapatunay sa kayang gawin ng mga babae kaya ngayong taon ay nakatuon ang pagkilala sa kontribusyon at husay ng mga kababaihan sa sektor ng agrikultura.
Sa mensahe ni Acting Governor Anthony Umali ay sinabi nitong ang agrikultura ay bahagi ng paglaya ng lalawigan mula sa mga mananakop, kung kaya’t ngayon ay malaya nang nabubungkal at naaani ng mga Novo Ecijano ang bawat butil na kanilang pinagpapagurang itinatanim sa mga lupang bukirin.
Kabilang sa nakatanggap ng gantimpala sa kategorya ng Outstanding Rural Woman ay si Ana Catalina Trinidad na namayagpag sa sektor ng agrikultura, na ang kayang gawin ay hindi lamang natapos sa pagiging manananim kundi nakatulong din na mai-angat ang antas ng pamumuhay ng kapwa magsasaka.
Ang estudyanteng si Kaecelyn Saltiban ang isa rin sa mga naparangalan sa kategorya ng Outstanding Woman Agripreneur na sa murang edad ay tinanggap ang hamon ng pagsasaka sa pamamagitan ng pagtatanim ng iba’t ibang prutas at gulay sa kanilang bukirin at pag-aalaga ng iba’t ibang breed ng kambing.
Sa kategorya ng Outstanding Woman Farmer ay ipinagkaloob naman kay Virginia Smith na kumasa din sa paanyayang mapangalagaan ang seguridad sa pagkain ng probinsya at bansa sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagtuturo ng kanyang mga kaalaman sa mga teknolohiya para sa pagpapaunlad ng pagsasaka, pagpapataas ng ani at paghahanapbuhay.
Habang nakatuon naman sa inobasyon at pagsusulong ng Digital Farming na nagpapadali ng trabaho ng mga magsasaka si John Carlo Landayan na graduate ng Central Luzon State University na tumanggap ng pagkilala bilang Outstanding Young Farmer Innovator, habang si Outstanding Young Farmer awardee John Carlo Abedoza ay nakapokus naman sa native chicken production sa hangaring hindi mawala o maubos ang native na manok sa bansa.
Ang 4-H Club Zaragoza na nagrepresenta sa Nueva Ecija sa Regional Level Trash-formation at nagwagi din sa national level, kung saan ang mga basura ay ginawang mas kapakipakinabang ay kabilang din sa mga naparangalan bilang Outstanding 4-H Club Organization.

