MAHIGIT 1,000 RESIDENTE, NAKABILI NG MURANG BIGAS SA ROLLING STORE NG KAPITOLYO

Mahigit isang libong residente ng Barangay Villa Ofelia ang nakinabang sa murang bigas na ibinebenta sa halagang P20 kada kilo sa ilalim ng rolling store program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Maaga pa lamang ay pumila na ang mga residente sa covered court ng barangay upang makabili ng bigas na may tatak “Alagang Nueva Ecija, Bigas ng Masa.”

Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, partikular na ang bigas na kasalukuyang naglalaro sa higit P50 kada kilo sa mga pamilihan.

Ipinahayag naman ng Barangay Official na si Rolando Espiritu na ikinatutuwa ng mga residente ang programa dahil bukas ito sa lahat.

Para sa residente naman na si Pad Calao, malaking ginhawa ang dulot nito sa kanilang pang-araw-araw na pagkain.

Patuloy ang pag-ikot ng rolling store sa iba’t ibang bayan at barangay sa Nueva Ecija upang mas marami pang mamamayan ang makinabang sa murang bigas.