MAHIGIT 12 MILYONG PILIPINO, NATULUNGAN NG MALASAKIT CENTERS; PAANO NGA BA MAKAKAKUHA NG TULONG?
Patuloy ang pagbibigay ng libreng medikal at pinansyal na tulong ng Malasakit Centers sa mga mahihirap na Pilipino, na umabot na sa mahigit 12 milyon ang natulungan mula nang itatag ang programa noong 2019.
Itinatag ang programa sa bisa ng Republic Act No. 11463 na isinulong ni Senator Bong Go noong 2019 kung saan layunin nito na pagsama-samahin ang serbisyong medikal at pinansyal mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa iisang lugar upang mapadali ang paghingi ng tulong ng mga mahihirap na pasyente.
Para makakuha ng tulong, kailangang magtungo sa isang pampublikong ospital na may Malasakit Center gaya ng Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital sa Cabanatuan City at Talavera General Hospital sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija.
Magsumite ng mga dokumento gaya ng medical certificate, reseta ng mga gamot, certificate of indigency, at statement of account o hospital bill.
Kailangang punan din ang ilang form at makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng DOH, DSWD, PhilHealth, at PCSO na naroon sa center. Sila ang magsusuri ng iyong kalagayan upang matukoy kung anong uri ng tulong ang maaari mong matanggap.
Kapag kumpleto na ang dokumento, ang Malasakit Center ang mag-eendorso nito sa kaukulang ahensya. Base sa pagsusuri ng medical social worker, ibibigay ang tulong na nararapat sa pasyente.
Paliwanag ng DOH, ang pondo ay nagmumula sa sin tax o galing sa kaban ng bayan, kaya’t ito ay nararapat lamang gamitin para sa kapakanan ng mga mamamayan.

